5 imports balik PBA
MANILA, Philippines – Limang imports ang magbabalik para sa kampanya ng kani-kanilang koponan sa darating na 2016 PBA Commissioner's Cup na magbubukas sa Pebrero 10.
Muling gagabayan ni Ivan Johnson ang Talk 'N Text para sa pagdedepensa sa kanilang korona, habang babanderahan ni Arizona Reid ang San Miguel at igigiya ni Wayne Chism ang Rain or Shine.
Kinuha namang muli ng Alaska si Rob Dozier, ang nagbigay sa kanila ng korona noong 2013, at pangungunahan ni NBA veteran Al Thornton ang NLEX.
Tinalo ni Johnson at ng Tropang Texters si Chism at ang Elasto Painters sa Game Seven ng kanilang championship series ng nakaraang PBA Commissioner's Cup.
Inungusan ni Chism si Johnson para makamit ang Best Import award ng naturang torneo kung saan hinirang si Talk 'N Text guard Jayson Castro bilang Best Player of the Conference at kinilala si Ranidel De Ocampo bilang Finals Most Valuable Player.
Ilang buwan na nabakante si Johnson, naglaro para sa Atlanta Hawks sa NBA, matapos ang kanyang paglalaro sa Spanish league.
Ngunit tiniyak ni coach Jong Uichico na magiging handa si Johnson para sa kanilang pagtatanggol ng korona.
Ang 6-foot-6 na si Johnson ang pumalit kay Richard Howell sa naturang kampanya ng Tropang Texters.
Samantala, inaasahan din ni Uichico na makaka-laro si De Ocampo makaraang magkaroon ng spine injury sa pagsisimula ng 2016 PBA Philippine Cup.
Hindi nakalaro si De Ocampo sa lahat ng 13 games ng Talk 'N Text sa season-opening conference bunga ng naturang injury na kanyang nalasap sa kanilang weight training.
- Latest