MANILA, Philippines - Nadagdagan pa ng isang swimmer ang koponang ipadadala ng Philippine Swimming League (PSL) sa 2016 Tokyo Invitational Swimming Championship na gaganapin sa Pebrero 4 hanggang 10 sa Japan.
Kasama na rin sa delegasyon si Martin Jacob Pupos ng National University na magtatangkang humakot ng gintong medalya sa boys’ 15-over division.
Si Pupos ay beterano na sa mga international competitions kung saan itinanghal itong Most Outstanding Swimmer sa Indian Ocean All-Star Challenge sa Perth, Australia habang nakasungkit din ito ng gintong medalya sa Singapore Invitational Swimming Championship noong nakaraang taon.
“He’s one of our best swimmers in PSL and we are happy that he will be joining us this time in Japan. It’s a good development as we aim to win more medals this time,” pahayag ni PSL President Susan Papa.
Nais ni Papa na mapantayan o malampasan ang 19 ginto, 10 pilak at 10 tansong nakamit ng PSL sa Japan Invitational Swimming Championship na ginanap noong Nobyembre sa American School sa Japan swimming pool sa Tokyo.
Makakasama ni Pupos sa kampanya sina UAAP Season 78 gold medalist Drew Benett Magbag ng University of the Philippines Integrated School at sina reigning Male Swimmer of the Year Sean Terence Zamora at Gwangju University Games veteran Jux Keaton Solita ng University of Santo Tomas.
Hahataw rin sina Marc Bryan Dula ng Weissenheimer Academy, Lans Rawlin Donato ng UP, Singapore Invitational Swimming Meet medalist Joey del Rosario ng De La Salle Santiago Zobel School, at sina Lowenstein Julian Lazaro at John Leo Paul Salibio.
Iwawagayway naman ni Female PSL Swimmer of the Year top candidate Micaela Jasmine Mojdeh ng Immaculate Heart of Mary College-Parañaque ang bandila ng Pilipinas sa girls’ category.