MANILA, Philippines - Apat na manlalaro at isang legendary coach ang nadagdag sa listahan ng mga pararangalan sa UAAP-NCAA Press Corps Collegiate Basketball Awards na gaganapin sa Enero 26 sa Saisaki-Kamayan sa EDSA.
Gagawaran sina Art dela Cruz ng San Beda College at Ed Daquioag ng University of Santo Tomas ng Impact Player awards habang bibigyan naman ang beteranong mentor na si Aric del Rosario ng Lifetime Achievement Award.
Kasama ring kikilalanin si Jiovanni Jalalon ng Arellano University na tutukuying Accel Court General gayundin si Jeron Teng ng De La Salle University na magkakaroon ng Gatorade Energy Player award.
Sina Dela Cruz at Daquioag ay bahagi ng kani-kanilang koponan na nagtapos bilang runner-up sa NCAA at UAAP, ayon sa pagkakasunod.
Sa kabilang banda, malaki ang kontribusyon ni Del Rosario upang makamit ng UST ang four-peat noong 1993 hanggang 1996 sa UAAP habang nakatuwang din ito ng University of Perpetual Help System Dalta sa kanilang kampanya sa nakalipas na edisyon ng NCAA.
Nangunguna sa listahan ng mga awardees sina Nash Racela ng Far Eastern University at Aldin Ayo ng Letran na siyang bibigyan ng Coach of the Year awards at sina Kiefer Ravena ng Ateneo de Manila University, Allwell Oraeme ng Mapua Institute of Technology, Mac Belo ng FEU, Kevin Ferrer ng UST at Scottie Thompson ng Perpetual Help (Collegiate Mythical Five).
Kasama rin sina Roger Pogoy ng FEU at Kevin Racal ng Letran (Pivotal Player) at sina Baser Amer San Beda College, Mark Cruz ng Letran at Mike Tolomia ng FEU (Super Senior). (CCo)