DENVER – Humakot si center Hassan Whiteside ng triple double sa kanyang 19 points, 17 rebounds at 11 blocked shots para ibangon ang Miami Heat mula sa 18-point deficit sa first half para resbakan ang Nuggets, 98-95.
Isinalpak ni Chris Bosh ang tiebreaking jumper sa huling 55 segundo at tumapos na may 24 points.
Nagdagdag naman si Tyler Johnson ng 15 markers mula sa bench para sa panalo ng Miami, naglaro na wala si star guard Dwyane Wade na may injury sa dalawang balikat.
Ito ang unang pagkakataon na hindi nakalaro si Wade ngayong season dahil sa injury.
Naging blangko ang starting backcourt ng Heat bunga ng pagkakaroon ni Goran Dragic ng strained left calf injury.
Nahugutan naman ng Miami ng produksyon si Whiteside, may tendinitis sa kanang tuhod, na itinala ang kanyang ikalawang triple-double ngayong season at ikatlo sa kanyang career.
“I told Coach when I got on the bus my knee felt the best it’s felt since I injured it,” wika ni Whiteside kay Fil-Am coach Erik Spoelstra. “I told him, ‘Don’t limit my minutes. I’m back to that athletic Hassan you know.’”
Naiwanan ang Heat ng 18 points sa first half ngunit umiskor ng 30 points kumpara sa 16 ng Nuggets sa third period patungo sa kanilang panalo.
Sa Oklahoma City, itinala ni Russell Westbrook ang kanyang ika-23 career triple-double para igiya ang Thunder sa 113-93 panalo kontra sa Minnesota Timberwolves.
Humakot si Westbrook ng 12 points, 11 rebounds at 10 assists para sa kanyang pang-apat na triple-double sa season.
Sa iba pang laro, tinalo ng Washington Wizards ang Indiana Pacers, 118-104.