Tierro, Santiago hahataw na sa ATP Challenger
MANILA, Philippines – Uumpisahan nina dating PCA Open champion Patrick John Tierro at Filipino-American Mico Santiago ang kanilang kampanyang makahirit ng puwesto sa main draw sa paglarga ng qualifying ng $75,000 ATP Challenger Philippine Open ngayong umaga sa Rizal Memorial Tennis Center sa Vito Cruz, Manila.
Hangad nina Tierro at Santiago na makapasok sa knockout stage upang makasama ang apat pang Pinoy netters na nauna nang nabiyayaan ng wild card spots.
Ginawaran ng awtomatikong tiket sa main draw sina reigning PCA Open titlist Alberto Lim Jr., dating Australian Open junior doubles champion Francis Casey Alcantara, dating Australian Open juniors singles quarterfinalist Jeson Patrombon at Davis Cup veteran Filipino-American Ruben Gonzales.
Ang 16-anyos na si Lim ay galing sa kampanya sa 52nd Coffee Bowl sa Costa Rica kung saan umabot ito sa quarterfinals habang si Patrombon ay galing sa training camp sa Taiwan.
Si Alcantara naman ay umaasang mapantayan o malampasan ang kanyang quarterfinal finish sa Manila ITF Futures noong nakaraang taon.
Makikipagsabayan ang mga Pinoy netters laban sa matitikas na manlalaro mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Kabilang sa nagkumpirma ng partisipasyon si Russian Mikhail Youzhny na dalawang beses na umabot sa semifinals ng US Open (2006 at 2010), at quarterfinals sa Australian Open (2008), French Open (2010) at Wimbledon (2012).
- Latest