MANILA, Philippines – Optimistiko ang Philippine Taekwondo Association (PTA) na makasusungkit ng puwesto ang national team sa 2016 Rio Olympic Games sa gaganaping Asian Continental Olympic Qualifying Tournament na idaraos sa bansa sa Abril.
Nangunguna sa listahan sina 2015 Singapore Southeast Asian Games gold medalists Samuel Thomas Harper Morrison at Pauline Louise Lopez na may malakas na tsansang umabante sa kani-kanilang dibisyon.
Sasabak sa pagkakataong ito si Morrison sa men’s 80-kg. division mula sa kanyang dating 68-kg. event. Malaking paninibago ang pagpapalit ng weight class subalit mas kumportable si Morrison sa kanyang bagong timbang dahil mas bumilis at lumakas ang kanyang galaw.
Hindi na rin bago si Morrison sa mga international competitions dahil nakasungkit na ito ng pilak na medalya sa 2011 Summer World University Games sa Shenzhen, China at tanso sa 2014 Asian Games sa Incheon, South Korea.
Isa pang tinututukan sa men’s division ay si Kristopher Robert Uy na nakasungkit ng gintong medalya sa men’s +87-kg. sa 2013 SEA Games sa Naypyitaw, Myanmar habang posibleng makasama ni Lopez sa kampanya sa women’s division si Incheon Asian Games bronze winner Kirstie Elaine Alora.
Walong events lang ang lalaruin sa Olympic Games.
Apat sa lalaki - flyweight (58 kg.), featherweight (68 kg.), middleweight (80 kg.) at heavyweight (+80 kg.) - at apat sa babae - flyweight (49 kg.), featherweight (57 kg.), middleweight (67 kg.) at heavyweight (+67 kg.).
Pasok si Lopez sa featherweight habang si Alora ay sasabak sa middleweight o heavyweight class.
May 16 slots ang paglalabanan sa Asian Olympic Qualifying event na lalahukan ng mahigit 400 jins mula sa iba’t ibang panig ng rehiyon kabilang na ang powerhouse South Korea, China, Japan, Iran, Taiwan, Vietnam, Kazakhstan, Qatar, Hong Kong at Thailand.
Target ng Pinoy jins na makabalik sa Olympics matapos mabigong makahirit ng puwesto noong 2012 edisyon na ginanap sa London, England. Huling nakapagpartisipa ang Pilipinas noong 2008 Beijing Olympics sa pangunguna nina Thsomlee Go at Mary Antoinette Rivero.
Ngunit bigo ang dalawang jins na makasungkit ng medalya matapos yumuko sa kani-kanilang first-round matches.