MANILA, Philippines – Inokupahan ni Asian Championships silver medalist Nesthy Petecio ang ikalawang puwesto sa women’s featherweight (57 kgs.) ng International Boxing Association (AIBA) world rankings.
Lumikom ang 23-anyos na si Petecio ng kabuuang 988 puntos makaraang tumapos sa ikalawang puwesto sa 2015 Southeast Asian Games sa Singapore at 2015 Asian Boxing Confederation Championships sa China.
Nakasiguro rin ito ng gintong medalya sa 2015 Indonesia President’s Cup sa Indonesia subalit walang puntos ang ibinigay sa naturang palaro dahil wala itong basbas ng AIBA.
Noong 2014, nakapag-uwi rin ng pilak na medalya si Petecio sa prestihiyosong World Women’s Boxing Championship sa Jeju, South Korea kung saan natalo ito kay Russian Zinaida Dobrynina.
Si Dobrynina ang kasalukuyang world No. 1 tangan ang 1,700 puntos habang nasa ikatlo si Italian Alessia Mesiano na may 950 puntos kasunod si Tiara Brown ng United States (850), Oh Yeonji ng South Korea (500), Svetlana Staneva ng Bulgaria (400), Maryna Malovana ng Ukraine (300), Taynna Santos Cardoso ng Brazil (250), Lara Garcia ng Spain (200) at Florencia Juarez Romero ng Argentina (150).
Sa kabilang banda, nasa ikaapat na puwesto si World Championships bronze medalist Rogen Ladon sa men’s light flyweight (46-49 kgs.) matapos humakot ng 1,050 puntos.
Maliban sa kanyang tanso sa AIBA World Boxing Championships sa Qatar, nagbulsa rin si Ladon ng pilak sa Singapore SEA Games.
Nangunguna sa naturang dibisyon si reigning world champion Joahnys Argilagos Perez ng Cuba na may 1,900 puntos kasunod sina Birzhan Zhakypov ng Kazakhstan (1,700) at Vasilii Egorov ng Russia (1,300).
Pasok sa Top 10 sina Dmytro Zamotayev ng Ukraine (895), Gan Erdene Gankhuyag ng Mongolia (850), Brendan Irvine ng Ireland (850), Joselito Velazquez Altamirano ng Mexico (770), Hasanboy Dusmantov ng Uzbekistan (750) at Shin Jonghun ng South Korea (700).
Ika-16 naman si Charly Suarez sa men’s lightweight, ika-24 si Olympian Mark Anthony Barriga sa men’s light flyweight, ika-27 si Mario Fernandez sa men’s bantamweight at ika-58 si Ian Clark Bautista sa men’s flyweight.