MANILA, Philippines – Nagtakda ang Philippine Football Federation ng dalawang international friendlies laban sa Kyrgyzstan bilang bahagi ng paghahanda ng Azkals para sa qualifiers ng 2019 AFC Asian Cup at sa final round ng 2016 Asean Football Federation Suzuki Cup.
Bibiyahe ang Azkals sa Kyrgyzstan para labanan ang Snow Leopards sa Sept. 16 bago sagupain ang Central Asian sa Nov. 9.
Sinabi ni PFF general secretary Edwin Gastanes na ang home-and-away-friendlies kontra sa Kyrgyzstan, ang No. 107 sa mundo at ikatlo sa Group B ng FIFA World Cup qualifiers sa likod ng Australia at Jordan, ay magsisilbing hamon para sa 135th-ranked Azkals.
“Kyrgyzstan has been performing well in the World Cup Qualifiers and they are ranked higher than us,” wika ni Gastanes.
Dalawa pang friendlies ang pinaplantsa ng PFF sa Hunyo sa Visayas.
“We’re trying to arrange one or two friendlies during the Fifa window in June and our initial direction is towards holding it in the Visayas. We’re still in the process of inviting teams,” ani pa ni Gastanes.
Nakatakda ang Suzuki Cup sa November kung saan ang isang laro sa group stages ay gagawin sa Pilipinas.
Ang Philippine Sports Stadium ang posibleng maging main venue at ang Rizal Memorial Stadium bilang secondary site.
Pero bago ang Suzuki Cup, unang sasabak sa aksyon ang Phl XI sa Group H ng pinagsamang World Cup at Asian Cup qualifiers sa Marso 24 laban naman sa Uzbekistan sa Tashkent at sa Marso 29 kontra North Korea sa Rizal Memorial.
Inupuan ng Azkals ang ikatlong posisyon kung saan dalawang laro na lang ang nalalabi sa second round ng qualifiers.