May nagsulat kelan lang na ayon kay Manny Pacquiao ay hindi siya mag-reretiro hanggang hindi niya nakakaharap si Floyd Mayweather Jr. sa isang rematch.
Kahapon, binalewala ni Pacquiao ang ulat.
“Wala akong sinasabing ganun,” sabi ni Pacquiao.
Iginiit din ni Pacquiao na ang parating niyang laban kay Timothy Bradley Jr. sa April 9 sa Las Vegas ay ang huli na niyang laban sa loob ng ring.
“Pagkatapos ng laban ko sa April 9, magreretiro na ako sa boxing,” dagdag ni Pacquiao.
Tatakbo kasi si Pacman bilang Senador sa May elections, eksakto isang buwan matapos ang ikatlong laban niya kay Bradley.
Manalo o matalo sa laban, tuloy ang pagtakbo niya.
Kampante si Pacquiao na mananalo siya at magiging Senador. Sa mga surverys, pasok siya sa Magic 12. Sa kanyang bilang, nasa pampito o pangwalo siya.
Sa tingin ni Pacquiao, oras na simulan niyang umikot sa bansa para kumampanya ay tataas pa ang kanyang rating.
Pwede.
Mabalik tayo sa boxing, natural lang na hangarin ni Pacquiao na muling makalaban si Mayweather. Bukod sa malaking pera ay tsansa rin na patunayan niya ang kanyang sarili.
Sa tingin ng iba, kung hindi lang injured ang balikat ni Pacquiao ay mas maganda ang laban niya kay Mayweather.
Kaya lang, hindi pwedeng sa kanya manggaling ang hamon ng rematch. Unang-una, retired na si Mayweather.
Kailangan sa tao manggaling ang clamor at ang hiling na mag-rematch sila. Tao ang manonood at magbabayad kaya sila ang dapat humingi ng rematch.
At kung maugong ang demand ay tsaka na mag-decide si Pacquiao at Mayweather kung gusto nga nila maglaban pang muli.
Tao ang magsasabi kung dapat ito matuloy.
No demand, no rematch.