Pacquiao ayaw na talaga sa boxing pagkatapos ng laban kay Bradley

MANILA, Philippines – Sa Abril 9 magwawakas ang makulay na 20-year boxing career ni Manny Pacquiao.

Ito ang iginiit ng Filipino world eight-division champion para sa kanyang pagsagupa kay world welterweight titlist Timothy Bradley Jr. sa ikatlong pagkakataon sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

“My April 9 fight against Timothy Bradley will be my last. I’m retiring from boxing to focus on my new job,” wika ni Pacquiao sa pa­nayam ng Philboxing.com sa kanyang mansyon sa General Santos City noong Lunes ng gabi.

Ilang beses napaulat na handa si Pacquiao na mu­ling lumaban kung papa­yag si Floyd Mayweather Jr. sa rematch.

Subalit pinabulaanan ito ng 37-anyos na si Pacquiao.

“Wala akong sinabing ganun. Wala namang nag-interview sa akin tungkol diyan. Pagkatapos ng laban ko sa April 9, magreretiro na ako sa boxing,” sabi ni Pacquiao na noong Disyembre ay nagdeklara ng kandidatura para sa Senatorial race sa national election sa Mayo.

Natalo si Pacquiao (57-6-2, 38 KOs) kay Mayweather (49-0-0, 26 KOs) via unanimous decision sa kanilang mega showdown noong Mayo 2.

Noong Setyembre ma­tapos biguin si Andre Berto at pantayan ang record na 49-0-0 ni heavyweight legend Rocky Marciano ay inihayag ng 38-anyos na si Maywea­ther ang kanyang pagreretiro.

Nakatakdang labanan ni Pacquiao si Bradley  (33-1-1, 13 KOs) sa pangatlong pagkakataon para sa sinasabing magiging pinakahu­ling laban ng Filipino boxing superstar bago tuluyang magretiro.

Kumpiyansa si ‘Pacman’ na mananalo siya sa Senatorial race base sa resulta ng mga survey ng Pulse Asia at Social Weather Stations (SWS).

Show comments