MANILA, Philippines – Hindi ikinatuwa ni Alaska coach Alex Compton ang kabiguan ng kanyang mga players na pigilin ang pag-iskor ni Globalport scoring guard Terrence Romeo ng bagong career-high sa series opener ng kanilang semifinals series noong Lunes.
“Apparently, the defensive game plan was to get out of the way and clap when Terrence makes a shot,” ani Compton matapos ang 93-107 pagyukod ng Aces sa Batang Pier na tinampukan ng 41 points ni Romeo sa Game One ng 2015-2016 PBA Philippine Cup kamakalawa sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nabigo ang Alaska na posasan ang mainit na kamay ng dating Far Eastern University standout sa kabuuan ng laro na nagresulta sa 1-0 bentahe ng Globalport sa kanilang best-of-seven semifinals showdown.
Kaya naman hindi niya napigil ang kanyang pagkainis.
“We have a few different defenses and guys to throw at him and I thought our lack of talk on defense, I didn’t hear us out today. I couldn’t figure out why the leading scorer of the league is that open,” sabi ni Compton. “That was not the gameplan. He just brought the ball down the middle and nobody picked him up. I was very disappointed at that.”
Kaagad nagposte ang Batang Pier ng 18-point lead sa first period at palagiang napipigilan ang pagdikit ng Aces hanggang sa fourth quarter.
“Talagang bad start lang kami kanina. Masyado kami nag-relax sa depensa at nagkanya-kanya kami sa opensa,” wika ni forward Vic Manuel, pinamunuan ang Aces sa kanyang 14 points at 11 rebounds.
Hangad ng Globalport na mailista ang malaking 2-0 bentahe sa kanilang serye sa pagsagupa sa Alaska sa Game Two ngayong alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Inaasahan ni Romeo na pilit siyang patatahimikin ng Aces sa kanilang ikalawang paghaharap sa serye.
“Alam kong mag-a-adjust sila sa depensa kaya sinabi ko sa teammates ko na series ito, ready lang kayo kasi baka dumating ‘yung point na magta-trap sila sa akin,” sabi ni Romeo, muling makakatuwang sina Stanley Pringle, Joseph Yeo, Jay Washington at Billy Mamaril katapat sina Manuel, Cyrus Baguio, JVee Casio, Calvin Abueva at Sonny Thoss ng Alaska.