Volleyball sa Pinas palalakasin PSL patitibayin ang relasyon sa FIVB, AVC

MANILA, Philippines – Nais ng Philippine Superliga (PSL) na higit pang patatagin ang solidong relas­yon nito sa international volleyball federation upang mas lalo pang mapalakas ang kampanyang maiangat ang volleyball sa bansa.

Ayon kay PSL president Ramon Suzara, malaking tulong ang pakikipag-ugnayan ng liga sa International Volleyball Federation (FIVB) at Asian Volleyball Confederation (AVC) para maabot ang kasalukuyang estado ng naturang sport sa Pilipinas.

Ang PSL ang bukod-tanging liga sa bansa na sumusunod sa international standards-bagay na mala­king tulong para makasabay ang mga local players sa mataas na lebel na kumpetisyon sa ibang bansa.

Noong nakaraang taon, inatasan ng Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. (LVPI) ang PSL na bumuo ng koponan para sa AVC Asian Women’s Seniors Championship sa Tianjin, China; AVC Asian Men’s Club Championship sa Taipei at AVC Asian Women’s Club Championship sa Phu Ly, Vietnam

Tumulong din ang PSL sa pagtataguyod ng bansa ng AVC Asian Women’s U-23 Championship gayundin sa partisipasyon ng Pilipinas sa 28th Southeast Asian Games sa Singapore at VTV International Women’s Volleyball Championship sa Bac Lieu, Vietnam.

Ngayong taon, ang  PSL ang inaasahang muling magpapatakbo sa AVC Asian Women’s Club Championship na gaganapin sa Setyembre gayundin sa FIVB World Women’s Club Championship na idaraos naman sa Oktubre.

Sinabi naman ni PSL chairman Philip Ella Juico na ang gabay ng FIVB at AVC ang isa sa pangu­nahing dahilan upang magtagumpay ang liga sapul nang magsimula ito noong 2013.

“By adhering to the rules and regulations of both the FIVB and AVC, the PSL had grown by leaps and bounds,” ani Juico.

Partikular na tinukoy ni Juico ang paggamit ng PSL ng FIVB-approved video challenge system na siya ring ginagamit sa malala­king torneo gaya ng World Championship.

Maliban sa pagtataguyod ng Asian Women’s Club sa Setyembre 3 hanggang 11, magpapadala rin ang PSL ng koponan sa Thailand Super League na gaganapin naman sa Marso 23 hanggang 29 gayundin ang paglahok nito sa West Coast Road Tour sa United States mula Setyembre 16 hanggang 25.

Show comments