MANILA, Philippines - Sisimulan ni World Boxing Organization super bantamweight champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire Jr. ang pagsasanay nito sa unang linggo ng Pebrero upang matiyak na handang-handa ito bago sumabak kay Evgeny Gradovich sa Abril.
Ito ang inihayag ng kanyang ama na si Nonito Donaire Sr. kung saan saktung sakto lamang aniya ang naturang petsa upang maihanda ang kanyang anak ngunit maigi rin aniya kung masisimulan ito ng mas maaga.
“If they ask to train him immediately, I will go there the soonest. I’ll be there in February,” wika ni Donaire Sr.
Ipagtatanggol ni Donaire Jr. (36-3-0, 23 KOs) ang kanyang titulo laban kay dating world featherweight champion Gradovich (20-1-1, 9 KOs) sa Abril 23 sa Smart Araneta Coliseum.
Lumalaban ang 29-anyos na si Gradovich sa featherweight division subalit nagpasya itong bumaba sa super bantam para makaharap si Donaire Jr.
“I it’s a disadvantage for Gradovich. It depends on how much his walking weight to go down to 122. We have no any problem in the 122 class and we can fight anyone,” dagdag ni Donaire Sr.
Alam ni Donaire Sr. ang istilo ni Gradovich na karaniwan nang mahilig umatake at magpakawala ng maraming suntok kaya’t isang solidong plano ang babalangkasin ng kampo ng Pinoy champion upang pigilan ang Russian fighter.
Magiging sandata ni Donaire Jr. ang kanyang bilis at pamatay na suntok laban kay Gradovich.
“Gradovich keeps co-ming forward but his punches have no enough power. Nonito is faster than him, I think. Gradovich throws volume of punches,” ani Donaire Sr.
Nabawi ni Donaire ang WBO super bantamweight belt noong Disyembre 11 nang talunin nito si Mexican Cesar Juarez sa Puerto Rico.