Arum tinapyas si Broner sa listahan
MANILA, Philippines – Wala sa listahan ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang pangalan ni dating world four-division titlist na si Adrien ‘The Problem’ Broner para sa sinasabing magiging pinakahuling laban ni Manny Pacquiao.
Sa panayam ng BoxingScene.com, sinabi ni Arum na tanging si Michael Koncz, ang Canadian adviser ni Pacquiao, ang tanging kumausap kay Broner.
Kaya naman binura na ni Arum ang pangalan ni Broner (31-2-0, 23 KOs) na hindi kasama sa kampo ng Top Rank.
“Yeah, I was very surprised,” wika ni Arum sa pakikipag-usap ni Koncz kay Broner para labanan ang Filipino world eight-division champion na si Pacquiao (57-6-2, 38 KOs).
Ayon kay Arum, tanging sina world welterweight titlist Timothy Bradley Jr. (33-1-1, 13 KOs), world light welterweight king Terence Crawford (27-0-0, 19 KOs) ang pagpipilian ni Pacquiao para labanan sa Abril 9, 2016.
Ito ay gagawin sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Si Bradley ang sinasabing maaaring piliin ni Pacquiao dahil sa mas malaking tsansa nitong muling talunin ang American fighter kumpara sa mas malakas at maliksing si Crawford.
‘’We should have an answer in the next day or so based on what Michael said and then we go to work,” sabi pa ni Arum.
Nanggaling si Pacquiao sa unanimous decision loss kay Floyd Mayweather Jr. (49-0-0, 26 KOs) sa kanilang mega showdown noong Mayo 2.
Gagawin ni Pacquiao ang kanyang pinakahuling laban sa Abril 9, 2016 kasunod ang pagreretiro para tutukan ang kanyang political career kung saan siya tatakbo bilang kandidato sa Senado.
- Latest