MANILA, Philippines – Nauwi sa draw ang laban nina Grandmaster (GM) Wesley So at International Master Lin Chen ng China sa eighth round dahilan upang lumabo ang kanyang tansang makuha ang titulo sa 2015 Qatar Masters Open na ginaganap sa Aspire Zone sa Doha, Qatar.
Umabot sa 132 moves ang laban nina So at Lin bago magpasya ang dalawang manlalaro na hatiin ang puntos.
Dahil dito, bumagsak sa ikaapat na puwesto si So kasama ang 16 pang manlalaro na may pare-parehong 5.5 puntos.
Nakuha ni GM Magnus Carlsen ng Norway ang solong liderato taglay ang 6.5 puntos habang magkasosyo sa ikalawang puwesto sina GM Vladimir Kramnik ng Russia at GM Yu Yangyi ng China na may magkatulad na anim na puntos.
Pinataob ni Carlsen si GM Shakhriyar Mamedyarov ng Azerbaijan habang namayani sina Kramnik at Yu kina GM Sanan Sjugirov ng Russia at GM Nils Grandelius ng Sweden, ayon sa pagkakasunod.
Kasama ni So sa grupo sina Lin, Mamedyarov, Sjugirov, GM Anish Giri ng Netherlands, GM Xu Yinglun ng China, GM Dariusz Swiercz ng Poland, GM Zhang Shong ng Singapore, GM Sergey Karjakin ng Russia, GM Ruslan Ponomariov ng Ukraine, GM Pendyala Harikrishna ng India, GM Ni Hua ng China, GM Surya Shekhar Ganguly ng India, GM Vladimir Akopian ng Armenia, GM Nikita Vitiugov ng Russia, GM Nguyen Ngoc Truong Son ng Vietnam at GM Vassily Ivanchuk ng Ukraine.
Makakaharap ni So si Yu sa final round habang magtutuos sina Carlsen at Kramnik sa hiwalay na bakbakan.