MANILA, Philippines – Marami ang nagulat nang talunin ni Timothy Bradley, Jr. si Manny Pacquiao sa pamamagitan ng split decision noong Hunyo ng 2012.
Matapos ang dalawang taon ay niresbakan naman ni Pacquiao si Bradley via unanimous decision.
Sa matagumpay na pagtatanggol ni Bradley sa kanyang suot na World Boxing Organization welterweight crown laban kay Brandon Rios noong Nobyembre 7 ay si Teddy Atlas ang nasa kanyang corner.
Ayon kay Jeff Mayweather, ang uncle/trainer ni Floyd Mayweather, Jr., hindi makakatulong si Atlas kay Bradley na manalo kay Pacquiao kung maitatakda ang kanilang ikatlong pagtutuos sa Abril 9, 2016.
“He may do a little better, but at the end of the day, Tim’s been in a lot of wars since the last time they fought,” wika ni Jeff Mayweather kay Bradley. “He may have more wear and tear on him than Pacquiao does.”
Sakaling maplantsa ang naturang ‘trilogy’ nina Pacquiao at Bradley ay ang Filipino world eight-division pa rin ang mananalo sa pamamagitan ng puntos.
“I think that we’ll see almost the exact same thing. I don’t think that Teddy Atlas is going to make him win, he probably won’t even make him look much better,” sabi ni Jeff Mayweather.
Wala pang napipili si Pacquiao (57-6-2, 38 KOs) na kalaban para sa sinasabi niyang pinakahuling laban bago tuluyang magretiro at asikasuhin ang kanyang political career.
Bukod kay Bradley (33-1-1, 13 KOs), ang iba pang nasa listahan ni Bob Arum ng Top Rank Promotions para sagupain si ‘Pacman’ ay sina world light welterweight king Terence Crawford (27-0-0, 19 KOs) at ang dating world four-division titlist na si Adrien ‘The Problem’ Broner (31-2-0, 23 KOs).
Umaasa si Arum na bago matapos ang 2015 ay may mapipili ng kalaban si Pacquiao, kakandidato para sa isang Senatorial post.
Kamakalawa ay tiniyak ni Michel Koncz, ang Canadian adviser ni Pacquiao, na lalaban ang Filipino boxing superstar sa Abril 9, 2016.
Ibinunyag ni Broner na tinawagan siya ni Koncz para alukin na labanan ang 37-anyos na si Pacquiao.
Maaaring hindi ito payagan ni Arum dahil wala sa bakuran ng Top Rank si Broner.