Pamaskong handog ng Ginebra sa mga fans ang kanilang pagkapanalo laban sa Star Hotshots nung isang gabi sa Mall of Asia Arena.
Pambihirang laro.
Isipin mo, lamang na ng 18 puntos ang Star at halos anim na minuto na lang ang natitira. Sa iba, tapos na ang laban. Bawi na lang next time.
May mga nag-uwian na nga para ‘wag maipit sa traffic.
Pero hindi nangayaw ang Ginebra sa pangunguna ni Sol Mercado. Parang pilit na nga ang rally nila. Kung kaylan patapos na, tsaka nagpursigi.
Yun pala, may kahihinatnan.
Pumasok ang mga three-pointers ni Sol mula sa malalayong lugar.
Sumablay naman sa free throw ang Star at itinapon ang bola ng ilang beses.
Nag-overtime.
Palitan ng three-point shots sina Mark Barroca, Alex Mallari at si Sol.
Hanggang sa huli, mukhang second overtime na.
Huling hirit ang Ginebra at paubos na ang oras nang ibigay ni Sol ang bola kay LA Tenorio. Tumira ng tres at halos mabutata pa ni Mallari.
Hindi yun ang plano ni direk.
Pumasok ang tira ni Tenorio. Panalo ang Ginebra 92-89.
Nagkagulo ang fans. Parang nag-champion. Dinumog si Tenorio.
Parang panaginip. Parang pelikula.
Ewan ko ba paano nagawa ng Ginebra na ipanalo pa ang laro. Laglag ang tuka ng Star Hotshots ni coach Jason Webb. Bakasyon na sila.
Ang Ginebra? Lalabanan ang Globalport. Kung sino ang manalo, diretso sa semis.
Christmas gift ng Ginebra sa mga fans ang panalo nila nung Biyernes.
Baka pati si Jesus napasigaw sa tuwa.