May humabol pa sa pag-file ng COC o Certificate of Candidacy bilang sunod na kalaban ni Manny Pacquiao.
Siya si Adrien Broner. Kano. Edad 26. May 31 na panalo at dalawang talo.
Si Broner ang may hawak ngayon ng WBA light-welterweight title sa 140 pounds.
Biglang sumulpot si Broner dahil hindi naman siya naibilang sa unang listahan ng mga kandidato para labanan si Pacquiao sa April 9.
Nauna si Amir Khan, na ngayon ay wala na sa timbangan at nasundan nina Terence Crawford at Tim Bradley.
Nagtatagal pumili si Pacquiao at medyo naiinip na si Bob Arum.
Nakausap natin si Mike Koncz, ang adviser ni Pacquiao at ang sabi niya ay wala naman dapat ipagmadali sa pagpili ng kalaban dahil malayo pa naman.
Baka daw abutin pa ng January ang decision ni Pacquiao.
Ang ugong ay tila hindi magkasundo si Pacquiao at si Uncle Bob kung sino ang lalaban sa sinasabing farewell fight ng ating champion boxer.
Gusto raw ni Pacquiao labanan si Bradley ng ikatlong beses dahil sa official record nga naman at tabla sila sa tig-isang panalo.
Pero gusto ni Uncle Bob si Crawford, bata at walang talo at sarili niyang boxer sa Top Rank Promotions. Ang tsismis ay inaasinta ni Uncle Bob si Crawford bilang sunod niyang superstar.
Pagnagkataon nga naman ay baka matuluyan nang mag-retire si Pacquiao. Samantala, biglang angat si Crawford.
May superstar agad na panghahawakan si Uncle Bob.
Tak-mau.
Nasabi na sa atin ni coach Freddie Roach na ayaw niya si Crawford para kay Pacquiao. Isa lang ang dahilan: Delikadong kalaban.
Farewell fight na nga eh baka madisgrasya pa.
‘Wag naman.