PHILADELPHIA – Kumolekta si Marc Gasol ng 19 points, habang nagtala si guard Mike Conley ng 18 points at 6 assists para pagbidahan ang Memphis Grizzlies sa 104-90 panalo laban sa 76ers.
Tatlo pang Grizzlies players ang umiskor sa double figures.
Ang mga ito ay sina Courtney Lee na may 15 points, reserve Zach Randolph na tumipa ng 14 points at 8 rebounds at si Matt Barnes na tumapos na may 12 points at 10 boards.
Kumamada naman si Jahlil Okafor ng 18 points kasunod ang 16 ni Hollis Thompson sa panig ng Philadelphia, may 1-29 record ngayon at nasa 11-game losing slump.
Napuwersa ng Grizzlies ang 76ers sa 28 turnovers at nagposte ng 65.6 percent (21 for 32) sa free-throw line.
Ang dalawang tres ni Vince Carter at layup ni Randolph ang nagbigay sa Memphis ng 85-66 abante sa 10:54 minuto ng fourth quarter at hindi na nilingon ang Philadelphia.
Sa Denver, umiskor si Kobe Bryant ng season high na 31 points at nakabangon ang Los Angeles Lakers mula sa 21-point, first-half deficit para talunin ang Denver Nuggets, 111-107.
Nagdagdag si Bryant ng 5 assists at nadepensahan si Will Barton, umiskor ng 23 points sa first half bago malimitahan sa 2 points sa second half.
Hawak ang 103-100 abante sa huling 1:23 minuto ng laro, nagsalpak si Bryant ng dalawang free throws kasunod ang isang jumper para selyuhan ang pang-limang panalo ng Lakers sa season.
Naglaro ang Nuggets nang wala sina Danilo Gallinari (sprained left ankle) at Emmanuel Mudiay (sprained right ankle).