MANILA, Philippines – Nangunguna si reigning Most Valuable Player June Mar Fajardo ng San Miguel Beer sa karera bilang Best Player of the Conference sa Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup.
Base sa Statistical Points (SPs) na inilabas ng PBA matapos ang eliminasyon, nakuha ni Fajardo ang unang puwesto matapos magtala ng average SPs na 45.6 mula sa 23.1 points, 14.4 rebounds, 1.6 assists, 0.8 steal at 1.8 blocks sa 11 laro.
Nasa dikit na ikalawang puwesto si Greg Slaughter ng Barangay Ginebra San Miguel na nagrehistro naman ng 45.3 average SPs.
Nanguna si Slaughter sa scoring at rebounding hawak ang average na 23.5 at 15.0, ayon sa pagkakasunod. Mayroon din itong 3.2 assists, 0.2 steal at 1.4 block kada laro.
Ikatlo si Sean Anthony ng NLEX na may malayong 37.4 average SPs (20.4 points, 11.4 rebounds, 3.6 assists, 1.2 steal at 0.1 block) habang ikaapat si Stanley Pringles ng Globalport na may 37.3 (21.3 points, 7.5 rebounds, 4.5 assists, 0.7 steal at 0.1 block) at ikalima si Asi Taulava ng NLEX na may 35.9 (19.7 points, 12.1 rebounds, 2.3 assists, 0.4 steal at 0.4 block).
Pasok sa Top 10 sina Willy Wilson ng Barako Bull (35.6), Vic Manuel ng Alaska (33.7), Jayson Castro ng Talk ’N Text (33.0), Terrence Romeo ng Globalport (32.9) at Arwind Santos ng SMB (32.55).
Sa hanay ng mga rookies, nasa unahan si second pick Troy Rosario ng TNT taglay ang 28.0 average SPs (15.6 points, 6.7 rebounds, 0.9 assist, 0.4 steal at 0.5 block) kasunod ang kanyang katropang si top pick Moala Tautuaa na may 23.5 (13.2 points, 5.3 rebounds, 1.9 assists at 0.7).
Nasa No. 3 si Maverick Ahanmisi ng Rain or Shine (21.5) kasunod sina Art Dela Cruz ng Blackwater (19.7), Chris Newsome ng Meralco at Bradwyn Guinto ng Mahindra na may parehong (19.6). Simon Enciso ng NLEX (15.9) at Scottie Thompson ng Ginebra (15.6).