MANILA, Philippines – Nagtala ng pambuwenamanong panalo si Grandmaster Wesley So upang makisalo sa maagang liderato sa pagsisimula ng 2015 Qatar Masters Open na ginaganap sa Aspire Zone sa Doha, Qatar.
Pinayuko ng Pinoy champion si GM Aleksandra Goryachkina ng Russia para kubrahin ang kanyang unang puntos sa torneong may nakalaang $25,000 para sa magkakampeon at $15,000 para naman sa runner-up.
Kasama ni So sa unang puwesto sina GM Vladimir Kamrik ng Russia, GM Anish Giri ng Netherlands, GM Sergey Karjakin ng Russia, GM Li Chao ng China, GM Shakhriyar Mamedyarov ng Azerbaijan at GM Evgeny Tomashevsky ng Russia na umiskor din ng unang panalo.
Ginapi ni Kamrik si GM Bela Khhotenashvili ng Georgia, pinatumba ni Giri si International Master (IM) Lyna Narayanan Suniduth ng India, tinalo ni Karjakin si IM Mohamed Ezat ng Egypt, pinasadsad ni Li si GM Smay Shoker ng Egypt, ginimbal ni Mamedyarov si GM Natalia Zhukova ng Ukraine, at pinabagsak ni Tomashevsky si IM Vahap Sanal ng Turkey.
Nauwi sa draw ang laban nina top seed Carlsen Magnus ng Norway at IM Nino Batsiashvili para pamunuan ang grupo ng mga nakakuha ng 0.5 point.