MANILA, Philippines – Kung ano ang kanyang sabihin ay pinatutunayan niya.
Kagaya ng kanyang prediksyon, pinabagsak ni Conor McGregor si Brazilian legend Jose Aldo sa unang 13 segundo ng UFC 194 main event para maging undisputed UFC featherweight champion kahapon sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
“What I say happens, happens,” sabi ni McGregor (19-2) matapos talunin si Aldo (25-2) at agawan ng korona. “There is no doubt now.”
Kumonekta ang Irishman ng isang brutal na left hand na tumama sa panga ni Aldo kasunod ang pagbagsak ng Brazilian na una ang mukha sa canvas.
Matapos ito ay pinaliguan ni McGregor ng hammer fists si Aldo kasunod ang pagpapahinto ng referee sa laban.
Kaagad lumundag si McGregor sa itaas ng Octagon para ipagdiwang ang kanyang tagumpay.
“Again, nobody can take that left hand shot. I tell you, he’s powerful and he’s fast, but precision beats power, and timing beats speed, and that’s what you saw out there,” sabi ni McGregor, naging interim champion matapos pigilin si Chad Mendes noong Hulyo sa UFC 189.
Ito ang unang kabiguan ni Aldo sa UFC at ikalawa sa kanyang career matapos matalo noong November 2005.
Bago ang kanyang pagkatalo ay pitong beses naidepensa ni Aldo, humingi ng rematch kay McGregor ang kanyang UFC featherweight crown.