Termino ni MVP pinalawig: SBP election iniurong sa Abril
MANILA, Philippines – Nagkasundo ang mga opisyales ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na ilipat sa Abril ang eleksiyon ng asosasyon mula sa orihinal nitong petsa na Enero.
Ang desisyon ay nabuo matapos ang isinagawang pagpupulong ng SBP Board noong Miyerkules kung saan madurugtungan ng apat pang buwan ang termino ni Manny V. Pangilinan bilang pangulo.
Maliban kay Pangilinan, anim pang miyembro ng SBP Board ang mapapaso ang termino sa pagpasok ng Enero habang lima naman ang matatapos ang panunungkulan sa Abril.
Nais ng SBP na magkaroon na lamang ng iisang eleksiyon sa Abril upang madetermina ang 13 bagong miyembro ng SBP Board.
Sa Hunyo, magsasama-sama ang 13 bagong miyembro at 12 holdovers na siyang magbobotohan para pangalanan ang bagong SBP chief.
Muling magpupulong ang SBP Board sa Enero 29 upang ilatag ang mga napag-usapan sa FIBA executive board meeting sa Geneva na gaganapin sa Enero 19.
Sa naturang petsa malalaman ang desisyon ng FIBA kung anu-anong mga bansa ang tatayong punong-abala sa Olympic world qualifying tournament kasama na ang pagsasagawa ng drawing of lots.
Kabilang ang Pilipinas sa mga nagsumite ng aplikasyon upang makuha ang hosting rights sa Olympic qualifying na idaraos sa Hulyo 4 hanggang 10.
- Latest