INDIANAPOLIS – Dumiretso ang nagdedepensang Golden State Warriors sa kanilang record start na 23-0.
Kumamada si Klay Thompson ng 39 points para tulungan ang Warriors sa 131-123 panalo laban sa Indiana Pacers.
Nagposte ang Golden State ng 28-point lead, 111-83, papasok sa final quarter bago ito naputol ng Indiana sa anim na puntos sa likod ng pagbibida ni Paul George, tumapos na may 33 points, sa huling 25 segundo.
Nagsalpak si Thompson ng 10-of-16 shooting sa three-point range, habang nagdagdag si Stephen Curry ng 29 points at 10 assists.
“t’s a great feeling. I felt like I was due for a game like that,” sabi ni Thompson. “Just have to try and build on it from here and have another great game on Friday.”
Ang 33 dikit na arangkada ng Los Angeles Lakers ang kasalukuyang all-time winning streak record na itinala noong 1971-1972 season.
Tatargetin ng Warriors ang kanilang 24-0 baraha sa pagharap sa Boston Celtics sa Biyernes kasunod ang pagdayo sa Milwaukee para labanan ang Bucks sa Sabado.
Sa Cleveland, kumolekta si LeBron James ng 33 points at 10 rebounds at bumangon ang Cavaliers mula sa 18-point first-half deficit para balikan ang Portland Trail Blazers, 105-100.
Nag-ambag si Kevin Love ng 18 points at ang second-half lineup adjustment ni coach David Blatt ang nakatulong sa pagpigil ng Cleveland sa kanilang three-game losing skid.
Ang tres ni James ang nagbigay sa Cavaliers ng 96-90 bentahe sa huling 2:53 minto ng fourth quarter kasunod ang kanyang paghugot ng foul kay Mason Plumlee ng Trail Blazers.
Sa Memphis, kumabig si Kevin Durant ng 32 points, 10 rebounds at 6 assists para pamunuan ang Oklahoma City Thunder sa 125-88 pagdurog sa Grizzlies.
Nagdagdag naman si Russell Westbrook ng 13 points at 16 assists para sa Thunder na nagtala ng 35-point lead para sa kanilang ikalawang sunod na panalo.