MANILA, Philippines – Sa mismong laban ni Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. gagawin ni Bob Arum ang paghahayag sa lalabanan ni Manny Pacquiao sa Abril 9, 2016.
Nakatakdang sagupain ni Donaire (35-3-0, 23 KO’s) si Cesar Juarez (17-3-0, 13 KOs) sa Sabado (US time) sa Puerto Rico.
Ang mga pinagpipilian para sa magiging pinakahuling laban ni Pacquiao ay sina world light welterweight titlist at 2014 Fighter of the Year Terence Crawford, welterweight titleholder Timothy Bradley Jr. at welterweight contender Amir Khan.
“I don’t know but if it does, you won’t hear it from my lips,” sabi ni Arum, nagdiwang kahapon ng kanyang ika-84 kaarawan, ukol sa lalabanan ni Pacquiao na nagmula sa unanimous decision loss kay Floyd Mayweather, Jr. noong Mayo 2.
Napanood na ni Pacquiao (57-6-2, 38 KOs) ang mga fight tapes nina Crawford (27-0-0, 19 KOs), Bradley (33-1-1, 13 KOs) at Khan (31-3-0, 19 KOs).
At sinasabing pipiliin ni Pacquiao, ipagdiriwang ang kanyang pang-37 kaarawan sa Disyembre 17, ang 32-anyos na si Bradley para mabuo ang kanilang ‘trilogy’
Tinalo ni Bradley si Pacquiao matapos kunin ang kontrobersyal na split decision win noong 2012 para agawin ang World Boxing Organization welterweight belt bago siya niresbakan ni Pacquiao mula sa unanimous decision sa kanilang rematch noong 2014.
Ilang beses nang nakipag-usap ang asawa ni Bradley na si Monica kay Top Rank president Todd duBoef.
“A lot can change in the next three days, but Todd and I have developed a good relationship. I like the way we do business,” wika ni Monica.
“Tim’s very excited – more about this one than either of the others before,” sabi ni Monica. “With a new trainer, it’ll be a whole different Tim Bradley. Teddy has done so much for Tim … people might think they’ve seen the best Tim Bradley. They haven’t yet.”
Nanggaling si Bradley sa ninth-round stoppage kay Brandon Rios noong Nov. 7 sa Las Vegas sa ilalim ng bago niyang trainer na si Teddy Atlas.
Si Bradley ay magtutungo sa Puerto Rico para maging analyst sa fight broadcast.