MANILA, Philippines – Hindi siya isang malaking power forward kumpara sa iba.
Ngunit nagagawa naman niya ang kanyang trabaho para sa Barako Bull.
Humakot ang 6-foot-2 na si Willy Wilson ng mga career-best game na 28 points at 20 rebounds para tulungan ang Energy sa 105-98 overtime win laban sa Talk ‘N Text Tropang Texters noong nakaraang Huwebes sa 2015 PBA Philippine Cup.
Dinaig ng 12-year veteran ang mga naglalakihang sina Talk ‘N Text rookies Moala Tautuaa at Troy Rosario sa naturang panalo ng Barako Bull.
“I’m not a big stats guy. If I get the stats, great, as long as it contributes to a win,” sabi ni Wilson na nagtala ng mga averages na 16.3 points, 12.8 rebounds at 3.1 assists.
Ang naturang pagbibida ni Wilson, ang fourth overall pick ng Alaska noong 2004 PBA Draft mula sa De La Salle University, ang nagbigay sa Energy ng 4-4 record.
“If I get the stats but we don’t win, it’s all for nothing. Nobody’s gonna read about, oh, Willy Wilson got this and that if the team lost,” ani Wilson.
Mula sa Alaska ay naglaro ang PBA journeyman sa San Miguel at Barangay Ginebra bago dinala sa Barako Bull.
Si Wilson ang hinirang na Accel-PBA Press Corps Player of the Week at tinalo sina PBA superstars June Mar Fajardo ng San Miguel, Greg Slaughter ng Ginebra at Star playmaker Mark Barroca.
Kumolekta si Fajardo ng season-high na 35 points sa 102-86 paggiba ng Beermen sa Mahindra, Enforcers.