Foton pinagana ang tiwala para tapusin ang Petron
MANILA, Philippines – Tiwala sa isa’t isa ang naging susi ng Foton upang bigyan ng engrandeng pagtatapos ang kanilang kampanya sa taong ito bitbit ang korona ng 2015 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix women’s volleyball tournament.
Hindi nagduda si Foton head coach Vilet Ponce-De Leon sa kakayahan ng kanyang bataan na tunay na humarurot sa Game 3 upang tuldukan ang pamamayagpag ng two-time champion Petron.
“I never doubted the team. I told them that if we have to triple our effort for Game 3, we would gladly do it. We’re already here. There’s no backing down. We’re all eager and hungry to win the crown,” ani Ponce-de Leon.
Nanguna para sa Foton sina American imports Lindsay Stalzer at Katie Messing kasama sina middle blocker Jaja Santiago at setter Ivy Perez nang hatakin ng Tornadoes ang agresibong , 25-18, 25-18, 25-17 panalo laban sa Blaze Spikers sa do-or-die match.
Ngunit hindi naging madali ang daang tinahak ng Foton upang maabot ang tuktok ng tagumpay.
Ipinako ng Foton ang pukpukang 25-18, 26-24, 18-25, 20-25, 15-8 panalo laban sa top seed Philips Gold sa semifinals upang maisaayos ang pakikipagtipan sa Petron na koponang binubuo ng mga beteranong manlalaro.
Nakuha ng Foton ang Game 1, 14-25, 25-21, 25-19, 25-22, bago nakabawi ang Petron sa Game 2, 25-13, 25-21, 23-25, 24-26, subalit lumabas ang tunay na kulay ng Tornadoes nang bombahin nito ang Blaze Spikers sa Game 3 para kubrahin ang kanilang unang kampeonato sa liga.
- Latest