MEMPHIS, Tenn. -- Ipinakita ni Kawhi Leonard sa Memphis Grizzlies kung bakit siya nahahanay sa top 3-point shooters sa NBA ngayon.
Umiskor si Leonard ng 27 points, tampok ang 7-for-9 shooting sa 3-point range, para tulungan ang San Antonio Spurs sa 103-83 paggupo sa Grizzlies.
‘’I’ve been confident in it,’’ sabi ni Leonard, may 46 percent clip sa 3-point line. ‘’Tonight, I got hot so I kept shooting until I missed. Shots just fell for me.’’
Ang naturang career-high na pitong tres ni Leonard ay bahagi ng 10-of-18 clip ng Spurs sa 3-point area.
Nagdagdag si guard Tony Parker ng 17 points, 7 rebounds at 5 assists para sa pang-pitong panalo ng San Antonio sa kanilang huling walong laro.
Nag-ambag naman si LaMarcus Aldridge ng 18 markers kasunod ang 13 ni Manu Ginobili.
Tumipa sina Mike Conley, Marc Gasol at Mario Chalmers ng tig-15 points para sa Memphis, habang may 10 naman si Jeff Green.
Ang mga tres ni Leonard ang nakatulong sa San Antonio para makapagtayo ng 15-point lead sa second half.
Ibinaon pa ng Spurs ang Grizzlies sa pamamagitan ng 23-point advantage sa fourth quarter.
Sa Miami, umiskor si Dwyane Wade ng 28 points, kasama rito ang dalawang krusyal na free throws sa huling 1.5 segundo, para tulungan ang Heat sa 97-95 paglusot sa Oklahoma City Thunder kung saan naglaban sila sa 38 lead changes at 11 deadlocks.
Nagdagdag naman si Chris Bosh ng 16 points, habang may 14 si Goran Dragic at 12 si Josh McRoberts para sa Miami, nalampasan ang mintis na tres ni Russell Westbrook sa pagtunog ng final buzzer.
Nagposte sina Westbrook at Kevin Durant na may tig-25 markers sa panig ng Oklahoma City, hindi naipasok ang dalawang tres sa huling 10 segundo.
Sa Toronto, kumamada si Will Barton ng 22 points at nagdagdag ng 21 si Danilo Gallinari para igiya ang Denver Nuggets sa 106-105 panalo laban sa Raptors at wakasan ang kanilang eight-game losing slump.
Nagtala si Joffrey Lauvergne ng 14 points at 10 rebounds para sa Nuggets, naglista ng 18-of-18 foul shots.
Sa Mexico City, kumolekta si Isaiah Thomas na may 21 points para pamunuan ang Boston Celtics sa 114-97 panalo laban sa dati niyang koponang Sacramento Kings sa regular game ng NBA dito.