Warriors tuloy ang ratsada; Bryant bida sa panalo ng Lakers

Kumakaway si Lakers’ guard Kobe Bryant sa crowd matapos niyang ihayag ang kanyang nalalapit na retirement sa video board sa first half ng kanilang laban ng Washington Wizards sa Verizon Center.

CHARLOTTE, North Carolina-- Sinabihan ni Charlotte Hornets broadcaster Dell Curry ang kanyang anak bago ang laro na, “do not ruin my night.”

Hindi pinansin ni Stephen Curry ang sinabi ng kanyang ama.

Umiskor ang reigning MVP ng 40 points sa tatlong quarters at magaang na pinabagsak ng nagde­depensang Golden State Warriors ang Hornets, 116-99, para palawigin ang kanyang best start sa NBA history sa 20-0.

Sa gabi kung saan ibi­nigay ng Hornets kay Dell Curry, ang career scoring leader ng prangkisa, ng isang “key to Buzz City,” inagaw ng kanyang panganay na anak ang spotlight nang magsalpak ng 14-of-18 fieldgoal shooting at 8-for-11 sa 3-point range.

Umiskor si Stephen Curry, lumaki sa Charlotte at nagbida para sa Davidson College, ng 28 points sa third quarter, kasama rito ang huling 24 points ng Warriors.

Matapos igiya ang Warriors sa pagtatayo ng 21-point cushion ay ipinahinga na si Stephen Curry sa fourth quarter.

Sa Washington, umiskor si Kobe Bryant ng 12 sa kanyang season-high 31 points sa fourth quarter para igiya ang Los Angeles Lakers sa 108-104 paglu­sot sa Wizards.

“I thought everybody hated me,” sabi ni Bryant sa kanyang final game sa Washington.

Tumapos si Bryant na may 10-of-24 fieldgoal shooting.

Sa iba pang resulta, tinalo ng Detroit Pistons ang Phoenix Suns, 127-122 at dinaig ng San Antonio Spurs ang Milwaukee Bucks, 95-70.

Show comments