Parang biglang nangulila ang Letran Knights mahigit isang buwan pa lang matapos nilang ipanalo ang titulo sa NCAA basketball.
Sa isang iglap, iniwan sila ng kanilang minamahal na coach na si Aldin Ayo.
Sayang dahil dramatic pa naman ang kanilang pagkakapanalo laban sa paboritong San Beda Red Lions.
Sampung taon nila hinintay ang panalo. Halos mag-iyakan ang Knights.
“Tama na ang sakit. Tayo naman,” ang sigaw ni coach Ayo.
Pero hindi pa naman humuhupa ang selebrasyon ay lumabas ang balita na iiwan ni Ayo ang Letran para lumipat sa La Salle sa UAAP.
Parang apoy na kumalat ang balita.
Ang sabi, ipinatawag daw ni Danding Cojuangco si Ayo para sa isang meeting. Mukhang hindi nahirapan si Boss na ligawan si coach.
Masama ang naging UAAP season ng La Salle. Hindi ito pumasok sa Final Four. At agad-agad din nag-resign ang coach na si Juno Sauler.
Dito pumasok si coach Ayo.
Ang hindi ko lang alam ay kung may nangyari nang usapan sa pagitan ni Ayo at La Salle bago pa man nag-resign si Sauler.
O kaya ay bago pa man natapos ang NCAA season.
May secret negotiation na bang naganap?
Hindi naging mahirap ang desisyon ni coach Ayo, isang konsehal sa Sorsogon, na tanggapin ang offer ng La Salle.
Matamis ang offer.
Ayon sa balita, malaki ang sahod sa ilalim ng three-year contract na nagkakahalaga ng P9 million.
Malamang, tulungan pa siya ni Boss Danding sa darating na eleksiyon.
Kahit ako, hindi ako tatanggi.
Goodbye Letran.