MANILA, Philippines - Nakatikim ang Philippines Team A ng 14-21, 10-21 kabiguan sa kamay ng top seed Spain upang tuluyang mamaalam sa kontensiyon sa Spike for Peace International beach volley tournament kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Umiskor si 6-foot-2 Amaranta Fernandez ng 19 puntos mula sa 15 atacks at apat na aces habang sumuporta si Ester Ribera para mabilis na dispatsahin ng Spain ang Philippine duo na sina Alexa Micek at Charo Soriano na lumasap ng ikatlong sunod na pagyuko.
Nakakuha ang Spain ng 19 puntos mula sa errors nina Soriano at Micek kung saan karamihan dito ay mula sa reception.
Nauna nang tumiklop sina Soriano at Micek kontra sa kanilang mga karibal mula sa Thailand at Fit to Hit beach volley champion New Zealand.
“Malaki talaga. And they’re the top seeds. We are not yet in their level,” pahayag ni Philippine Team A coach Oliver Almadro.
Maaga ring nasibak sina Danika Gendrauli at Norie Diaz ng Philippine Team B na tumaob sa kanilang tatlong asignatura laban sa powerhouse Sweden, Japan at Brazil.
Sina Fernandez at Ribera naman ay umangat sa 2-1 rekord para makasiguro ng puwesto sa quarterfinals ng torneo.