MANILA, Philippines - Opisyal nang sumama si UAAP back-to-back MVP Kiefer Ravena sa ensayo ng Gilas Pilipinas training pool sa Meralco Gym noong Lunes ng gabi.
Ito ay matapos magkausap sina Ravena at coach Tab Baldwin kamakalawa.
“Coach Tab and Kiefer have talked. I don’t know the specifics but I’m sure it’s headed on that direction,” wika ni Gilas team manager Butch Antonio. “Eventually, he’ll be there. Just like Troy Rosario.”
Umuwi si Baldwin sa United States dahil sa isang family emergency at nakatakdang bumalik kahapon.
Sina Ravena at Rosario ay mga dating Gilas cadet players at ngayon ay kasama sa elite pool na maghahanda para sa Olympic world qualifying tournament sa Hulyo ng 2016.
Nakipag-ensayo si Ravena kina San Miguel center June Mar Fajardo, Greg Slaughter, Japeth Aguilar at LA Tenorio ng Ginebra, Calvin Abueva ng Alaska, Rain or Shine guard Gabe Norwood, Marc Pingris ng Star at Matt Ganuelas-Rosser, Moala Tautuaa at Rosario ng Talk ‘N Text.
Bagama’t naroon ay hindi naman nagpapawis sina Jayson Castro, Jeff Chan, Marcio Lassiter, Terrence Romeo at Paul Lee.
Tatlong beses naging miyembro si Ravena ng Gilas cadet team na pumitas ng gintong medalya sa Southeast Asian Games.