MANILA, Philippines – Mabilis na naubos ang tiket sa Game 3 ng University Athletic Association of the Philippines Season 78 men’s basketball finals sa pagitan ng University of Santo Tomas at Far Eastern University.
Dismayado ang supporters ng magkabilang koponan na bigong makakuha ng tiket sa mga SM Malls gayundin sa online kung saan inihayag ng pamunuan ng establisiymento na “sold out” na ang tiket para sa rubber match na lalaruin bukas (Miyerkules) sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Inanunsiyo ng SM Tickets sa kanilang Twitter account noong Linggo na ibebenta ang mga tiket ng Lunes kaya’t marami ang nag-abang sa iba’t ibang ticket outlets subalit marami ang umuwing luhaan.
Parehong gutom sa kampeonato, inaasahang ibubuhos na ng Growling Tigers at Tamaraws ang kanilang buong lakas upang maibalik sa kani-kaniyang teritoryo ang korona.
Huling nagkampeon ang UST noong 2006 habang nahawakan ng FEU ang kanilang huling korona noong 2005.
Tabla ang serye sa 1-1 kung saan nagwagi ang FEU sa Game 1 (75-64) bago nakaresbak ang UST sa Game 2 (62-56).
Alam nina UST coach Bong Dela Cruz at FEU mentor Nash Racela na hindi magiging madali ang kanilang tatahaking daan--matira, matibay.
“Sa ganitong crucial game, hindi pwede na handa lang physically. Kailangan handa kami mentally, yun ang factor na magse-save sa amin,” ani Dela Cruz.
Para kay Racela, haharap ang kaniyang bataan sa Game 3 na mas handa hawak ang pag-asa makukuha ang kanilang ika-20 titulo sa liga.
“We’re looking forward to that third game. Best thing nakuha namin yung Game 1 dahil kahit natalo kami sa Game 2, we still have a chance,” ani Racela.