Curry, Green binitbit ang Warriors sa 17-dikit na panalo
PHOENIX — Kumamada si Stephen Curry ng 41 points sa tatlong quarters, habang nagtala si Draymond Green ng triple-double at tinalo ng Golden State Warriors ang Phoenix Suns, 135-116, para palawigin ang kanilang NBA-record start sa 17-0.
Naglista rin ang Warriors ng isang franchise mark para sa 3-pointers sa isinalpak na 22, isang agwat lamang ang kulang para sa league record, mula sa 38 attempts.
Umiskor si Curry ng season-high na siyam sa kanyang 16 attempts sa long range para sa kanyang ika-14 career 40-point game kung saan ang lima rito ay ngayong season.
Kumolekta naman si Green ng 14 points, 10 rebounds at 10 assists para sa kanyang pangatlong career triple-double, ang dalawa ay ngayong season.
Tumapos si Klay Thompson na may 15 markers para sa Warriors.
Itinala ng Warriors, nasa kanilang highest-scoring game sa season, ang isa pang NBA mark matapos kumonekta ng 15 3-pointers (sa 20 attempts) sa first half. Nagdagdag si Leandro Barbosa ng 21 points mula sa 8-of-9 shooting, kasama rito ang 5-for-5 sa 3-point line.
Umiskor naman si T.J. Warren ng career-high 28 points para sa Suns, nalasap ang kanilang ikatlong sunod na kabiguan, habang nag-ambag sina Brandon Knight at Eric Bledsoe ng tig-21 points.
Kaagad kinuha ng Golden State ang 20-point lead sa first quarter at hindi na ito napaliit ng Phoenix.
Sa iba pang laro, tinalo ng Cleveland Cavaliers ang Charlotte Bobcats, 95-90; binigo ng Orlando Magic ang Milwaukee Bucks, 114-90; pinatumba ng Boston Celtics ang Washington Wizards, 111-78; dinaig ng Miami Heat ang New York Knicks, 97-78; pinahiya ng Indiana Pacers ang Chicago Bulls, 104-92; tinakasan ng Houston Rockets ang Philadelphia 76ers, 116-114; sinapawan ng Atlanta Hawks ang Memphis Grizzlies, 116-101; pinabagsak ng Oklahoma City Thunder ang Detroit Pistons, 103-87; inungusan ng San Antonio Spurs ang Denver Nuggets, 91-80; pinasadsad ng Minnesota Timberwolves ang Sacramento Kings, 101-91 at tinalo ng LA Clippers ang New Orleans Pelicans, 111-90.
- Latest