UAAP women’s cagefest Lady Eagles balik finals

MANILA, Philippines – Muling ginulantang ng Ateneo de Manila University ang second-ranked De La Salle University, 62-50, upang umusad sa Finals ng University Athletic Association of the Philippines Season 78 women’s basketball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Umiskor si Hazelle Yam ng pitong puntos sa 24-12 run ng Lady Eagles sa huling kanto upang tulungan ang kanyang tropa na makabalik sa Finals.

Tumapos ng kabuuang 15 puntos si Yam habang nagdagdag si Jolina Go ng 13 puntos  gayundin si Danica Jose ng 11 puntos at 11 rebounds.

Ito ang ikalimang sunod na panalo ng Lady Eagles.

Nakakuha ang Lady Archers ng tig-13 puntos mula kina Camille Claro at Ara Abaca.

Makakaharap ng Ateneo ang defending champion National University sa championship round na magsisimula sa Miyerkules sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Hawak ng Lady Bulldogs ang thrice-to-beat advantage sa Finals matapos walisin ang eliminasyon.

Show comments