MANILA, Philippines – Naiselyo ng PLDT Home Ultera at Philippine Army ang kanilang pagtutuos sa finals matapos payukuin ang kani-kaniyang karibal kahapon sa Shakey’s V-League Season 12-Reinforced Conference na ginanap sa The Arena sa San Juan City.
Halos hindi pinagpawisan ang Ultra Fast Hitters nang mabilis nitong dispatsahin ang University of the Philippines (UP), 25-11, 25-17, 25-17 upang masungkit ang unang silya sa finals.
Binanderahan nina Aiza Pontillas at Sue Roces ang atake ng Ultra Fast Hitters na may hawak na twice-to-beat bonus habang sapat na suporta naman ang ibinigay ng mga ka-tropa nito sa floor at net defense para agad na patumbahin ang Lady Maroons sa loob lamang ng 64 minuto.
Pumalo ng 13 puntos si Pontillas samantalang kumana naman ng 11 si Roces. Naging katuwang ng dalawa sina Janine Marciano, Laurence Ann Latigay at Charo Soriano na may pinagsama-samang 23 hits.
Hindi na ipinasok ni PLDT head coach Roger Gorayeb ang kanyang dalawang imports na sina Victoria Hurtt at Sareea Freeman upang makapagpahinga ito para sa kanilang mas importanteng laban.
“I let them (Hurtt and Freeman) sit out this game because I want them to see and adjust to how the locals play and not the other way around,” pahayag ni Gorayeb na nagnanais maitarak ang Grand Slam sa torneong inorganisa ng Sports Vision iprinisinta ng PLDT Home Ultera at suportado ng Mikasa at Accel.
Nauna nang dinala ni Gorayeb sa kampeonato ang PLDT sa Open Conference kasunod ang koronang ibinigay nito sa National University sa Collegiate Conference.
Humataw ng kabuuang 42 atake ang Ultra Fast Hitters kumpara sa 25 lamang na napalusot ng Lady Maroons.
Madali rin ang daang tinahak ng Army nang bombahin nito ang Philippine Navy, 25-16, 25-10, 25-22, para maisaayos ang pakikipagtuos sa PLDT sa finals.
Nanguna si Jovelyn Gonzaga para sa Army matapos magsumite ng 10 hits habang nakalikom sina Honey Royse Tubino, Nerissa Bautista, Mary Palma, Sarah Gonzales at setter Tina Salak ng pinagsamang 30 puntos.