MANILA, Philippines – Pipilitin ng PLDT Home Ultera at Army na maitakda ang kanilang titular showdown sa pagpitas ng panalo sa magkahiwalay na laban ngayon sa Shakey’s V-League Season 12-Reinforced Conference sa The Arena sa San Juan City.
Winalis ang first round, inaasahang mataas ang morale ng Lady Troopers na sasagupa sa Navy sa alas-3 ng hapon kung saan hawak ng una ang twice-to-beat advantage.
Bago ito ay maghaharap muna ang Ultra Fast Hitters, tumapos sa elims na hawak ang 4-1 karta at twice-to-beat advantage, ang University of the Philippines sa alas-12:45 ng tanghali sa season-ending conference na itinataguyod ng Shakey’s.
Paborito ang Ultra Fast Hitters na maselyuhan ang isang tiket sa finals na ibabandera ang dalawang mahusay na import --sina Victoria Hurtt at Serena Freeman.
Gumawa ng malakas na impact ang US NCAA Division I standouts sa kani-kanilang debuts noong nakaraang linggo nang bitbitin ang Home Ultera sa Final Four sa panalo laban sa Kia Forte na nagbigay sa koponan ng bonus sa semis sa tournament.