FEU dedesisyunan ang kapalaran ng La Salle
MANILA, Philippines – Sa kanilang pinakahuling laro laban sa Far Eastern University nakasalalay ang pag-asa ng La Salle na makapasok sa Final Four.
Nasa isang 'must win' situation, lalabanan ng Green Archers ang Tamaraws ngayong alas-4 ng hapon matapos ang bakbakan ng mga sibak nang University of the East Red Warriors at University of the Philippines Fighting Maroons sa alas-2 sa 78th UAAP men' basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Napasakamay na ng University of Sto. Tomas at FEU ang 'twice-to-beat' incentive bilang No. 1 at No. 2 teams, ayon sa pagkakasunod, sa Final Four, habang nakuha ng Ateneo ang No. 3 berth.
Sakaling manalo ang La Salle sa FEU ay makakaduwelo nila ang nagdedepensang National University sa isang playoff game para sa pipitas sa No. 4 ticket.
Kung hindi ito magagawa ng Green Archers ay awtomatiko nang makakamit ng Bulldogs ang No. 4 spot para makatapat ang No. 1 Tigers sa Final Four.
“We just have to come out and show a lot of heart,” ani La Salle coach Juno Sauler. “We have to keep competing until the very end.”
Simula nang ipatupad ang Final Four noong 1994 ay tatlong beses pa lamang hindi nakasama ang Green Archers sa naturang yugto ng torneo.
Inaasahang sasakyan ng La Salle ang kanilang kinuhang 72-68 panalo laban sa UP na tumapos sa three-game losing slump nila noong Nobyembre 11.
Sina Jeron Teng, Thomas Torres, Prince Rivero at Jason Perkins ang muling sasandalan ng Green Archers katapat sina Mike Tolomia, Mac Belo, Roger Pogoy at Russell Escoto ng Tamaraws.
Nakalasap ang FEU ng 68-70 kabiguan sa NU noong Nobyembre 14.
- Latest