MANILA, Philippines – Bagama’t hindi naglaro si star spiker Myla Pablo ay hindi naman ito nakaapekto sa porma ng Lady Slammers para angkinin ang top spot matapos ang elimination round.
Pinadapa ng Philips Gold ang nagdedepensang Petron, 28-30, 29-27, 25-17, 25-23, sa 2015 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix women’s volleyball tournament kagabi sa The Arena sa San Juan.
Humataw sina imports Bojana Todorovic at Alexis Olgard ng 34 at 16 kills, ayon sa pagkakasunod, para saluhin ang naiwang trabaho ni Pablo, kumakampanya para sa National University.
Tumapos ang dating UCLA standout na si Todorovic na may conference-high na 38 points para sa paggupo ng Lady Slammers sa Blaze Spikers, nagwakas ang sinakyang five-game winning streak.
Humataw naman si Brazilian reinforcement Rupia Inck ng 22 kills at 3 blocks para sa kanyang team-high na 26 points, habang nagdagdag sina Dindin Manabat at Rachel Anne Daquis ng 13 at 11 points, ayon sa pagkakasunod, sa panig ng Petron.
“That’s her championship form,” wika ni Philips Gold coach Francis Vicente kay Todorovic na iginiya ang UCLA Bruins sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) Division I title noong 2011.
Isinara ng Lady Slammers ang double-round eliminations bitbit ang 8-2 win-loss card para kunin ang No. 1 seat kasabay ng paglalaglag sa Blaze Spikers (7-3) sa No. 2 spot.
Lalabanan ng Philips Gold ang alinman sa Foton o Cignal depende sa magiging resulta ng laro ng HD Spikers kontra sa sibak nang Meralco squad.