Laro Ngayon
(La Salle, Lipa, Batangas)
1 p.m. Petron vs Foton
3 p.m. Meralco
vs RC Cola-Air Force
MANILA, Philippines – Magtatapat ang dalawang maiinit na koponan na Petron Lady Blaze Spikers at Foton Tornadoes na posibleng magpahigpit sa tagisan para sa unang dalawang puwesto sa 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix volleyball tournament ngayon sa La Salle Lipa Sentrum sa Lipa City, Batangas.
May apat na sunod na panalo ang Petron habang lima ang winning streak ng Foton kaya’t tiyak na magiging maalab ang bakbakan na magsisimula sa ganap na ala-1 ng hapon.
Ang ikalawang laro dakong alas-3 ng hapon ay sa hanay ng mga pahinga ng koponan ng Meralco Power Spikers at RC Cola-Air Force Raiders at asahan ang pagsusumigasig ng Meralco upang makatikim ng panalo matapos ang walong sunod na pagkatalo.
May 6-2 karta ang Petron at kailangan nila ang panalo para makatabla uli ang Philips Gold (7-2) sa liderato habang ang Foton na katabla ang pahingang Cignal HD Lady Spikers sa 6-3 baraha, ay makakasalo sa ikalawang puwesto kung sila ang palarin.
Yumuko ang Tornadoes sa Lady Blaze Spikers sa limang set sa unang pagkikita pero iba na ang larong nakikita sa koponan para ipalagay na mas magiging palaban sa larong inorganisa ng SportsCore na handog ng Asics at Milo at may ayuda ng Mikasa, Mueller at Senoh bukod sa ipinalalabas sa TV5.