PSL Grand Prix: Semis kukumpletuhin ng tornadoes
Laro Ngayon
(The Arena, San Juan City)
4 p.m. Foton vs Meralco
6 p.m. RC Cola-Air Force vs Philips Gold
MANILA, Philippines - Pupuntiryahin ngayon ng Foton Tornadoes ang huling puwesto patungo sa semifinals sa pagharap sa Meralco Power Spikers sa 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Ikaapat na sunod na panalo ang madadale ng Tornadoes kung magwagi sila sa pahinga ng Power Spikers sa ganap na alas-4 ng tunggalian.
Sapat na ito para makapasok sa semifinals dahil ang limang panalo na maitatala ay hindi na kayang habulin pa ng RC Cola-Air Force Raiders na kalaban ang Philips Gold Lady Slammers sa ikalawang laro dakong alas-6 ng gabi.
Sa ngayon ay magkasalo sa unang puwesto ang nagdedepensang kampeon Petron Lady Blaze Spikers at Cignal HD Lady Spikers sa 6-2 karta habang ang Lady Slammers ay nasa ikatlong puwesto sa 5-2 baraha.
Ang mga ito ay nakatiyak ng maglalaro sa semifinals sa ligang inorganisa ng SportsCore na handog ng Asics at Milo at suportado ng Mikasa, Mueller at Senoh at mapapanood sa TV5.
Ang tatlong nabanggit ay nagsanib sa 52 puntos sa apat na sets panalo sa Philips Gold noong Nobyembre 5.
Wala pang panalo matapos ang pitong laro ang Power Spikers pero hindi puwedeng magpabaya ang Foton dahil tiyak na gusto rin ng Meralco na makatikim ng panalo bago tuluyang mamaalam sa kompetisyon.
Sasandalan naman ng Lady Slammers ang straight sets panalo sa Power Spikers noong Sabado para pormal na patalsikin ang Raiders sa anim na koponang torneo.
- Latest