Laro Ngayon
(Malolos Sports and Convention Center, Malolos, Bulacan)
1 p.m. Meralco
vs Philips Gold
3 p.m. Cignal vs RC Cola-Air Force
MANILA, Philippines – Sisikapin ng Meralco Power Spikers at RC Cola-Air Force Raiders na manatiling buhay ang paghahabol ng upuan sa semifinals sa pagpanalo sa kanilang mga laro sa 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix volleyball tournament na gagawin ngayon sa Malolos Sports and Convention Center sa Malolos, Bulacan.
Kalaban ng Power Spikers ang Philips Gold Lady Slammers sa ganap na ala-1 ng hapon habang ang Raiders ay masusukat sa Cignal HD Lady Spikers dakong alas-3 ng hapon para patingkarin ang unang Spike On Tour sa conference sa ligang inorganisa ng SportsCore at handog ng Asics at Milo bukod sa suporta ng Mikasa, Mueller at Senoh na ipinalalabas sa TV5.
Lumasap ang Meralco ng kanilang ikaanim na sunod na pagkatalo nang hiyain uli ng nagdedepensang kampeon Petron Lady Blaze Spikers, 25-27, 20-25, 21-25.
Ito ang ikaanim na panalo sa walong laro ng Petron para kunin din ang unang upuan sa semifinals.
Dahil sa 0-6 karta, kailangang maipanalo ng Power Spikers ang huling apat na laro at manalangin na hindi na magwawagi pa ang Lady Slammers (4-2) at Foton Tornadoes (4-3) upang magkaroon pa ng katiting na tsansang umabot
Kailangang ilabas na ng mga manlalaro ni coach Ramil de Jesus ang lahat ng makakaya dahil tiyak na itotodo ng Lady Slammers ang lakas para makabawi matapos makitang naputol na ang apat na sunod na panalo nang pinadapa ng Tornadoes,14-25, 22-25, 25-18, 18-25 noong Huwebes.