Knicks tumiklop sa Cavs, Curry ibinandera ang Warriors sa 5-0 start

CLEVELAND-- Masikip ang jersey at mahigpit ang labanan.

Pareho itong inayos ni LeBron James.

Tumipa si James ng 23 points at inayos ang body-hugging, sleeved uniforms ng Cleveland Cavaliers, habang nagdagdag si Mo Williams ng 22 markers para sa kanilang 96-86 panalo laban sa New York Knicks.

Ito ang ikaapat na sunod na panalo ng Cavaliers.

Kumonekta si James ng isang 3-pointer at nagsalpak ng dunk mula sa pasa ni Williams at kumamada ng 11 points sa fourth quarter.

Humakot naman si Tristan Thompson ng 13 re­bounds at may 12 boards si Kevin Love para sa Cle­veland.

Nilamangan ng Knicks ang Cavs ng 15 points sa first quarter bago nakabalik sa porma sa second half.

Nainis sa malamya nilang fieldgoal shooting sa first half, pinunit ng nairitang si James ang sleeves ng bagong black jersey ng Cleveland.

Nauna nang inireklamo ng four-time MVP ang masisikip na retro-looking tops sa kanyang braso at balikat.

Pinunitan niya ang kanyang jersey matapos ang 4-of-11 shooting performance sa unang 24 minuto.

Sa Oakland, umiskor si Stephen Curry ng 31 points, kasama rito ang go-ahead 3-pointer sa huling isang minuto, para igiya ang defending champion Golden State  Warriors sa kanilang 5-0 record sa bisa ng 112-108 panalo kontra sa Los Angeles Clippers.

Nagdagdag si Harrison Barnes ng 17 points at tinulungan ang Golden State na makabawi mula sa 10-point deficit sa fourth quarter para talunin ang Clippers.

Sa iba pang resulta, tinakasan ng Indiana Pacers ang Boston Cetlics, 100-98; tinalo ng Washington Wizards ang San Antonio Spurs, 102-99; dinaig ng Atlanta Hawks ang Brooklyn Nets, 101-87; pinatumba ng Houston Rockets ang Orlando Magic, 119-114; giniba ng Milwaukee Bucks ang Philadelphia 76ers, 91-88; binigo ng Phoenix Suns ang Sacramento Kings, 118-97 at pinabagsak ng Portland Trail Blazer ang Utah Jazz, 108-92.

Show comments