Batang Gilas aasinta ng semis vs Japan

MANILA, Philippines – Hangad ng Batang Gilas na masakyan ang kanilang panalo laban sa China noong Martes para sa target na semifinal berth kontra sa Japan sa FIBA-Asia Under-16 Championship ngayon sa Britama gym sa Jakarta, Indonesia.

Isang 11-0 atake ang ginamit ng Nationals para talunin ang mas matatangkad na Chinese at kunin ang 78-72 panalo sa pagtatapos ng single round elims.

Kapwa may magkaka­tulad na 4-1 record ang Pilipinas, China at Korea sa Group F, habang may 3-2 marka ang Japan sa Group E.

Bagama’t natalo ay No. 1 pa rin ang Chinese, pinagharian ang unang tatlong edisyon ng event, at lalabanan ang Kuwait sa quarters.

Sasagupain naman ng Korea, nauna nang tinalo ang Batang Gilas, 77-74, noong Lunes, ang Lebanon.

Lalabanan ng Group E topnotcher Chinese-Taipei ang Thailand sa isa pang quarters pairing.

Kung tatalunin ng Batang Gilas ang Japan ay lalabanan nila ang mananalo sa Taiwan-Thailand duel para sa tiket sa championship.

Show comments