OKLAHOMA CITY – Bumangon ang Thunder mula sa fourth-quarter deficits para talunin ang San Antonio Spurs at ang Orlando Magic sa isang dramatikong paraan.
Ngunit ngayon ay wala nang nakakagulat na ginawa ang Oklahoma City.
Kumamada si Kevin Durant ng 25 points para akayin ang Thunder sa 117-93 paggupo sa Denver Nuggets.
Tumipa si Durant ng magandang 8-of-11 fieldgoal shooting kasama ang 6-of-6 clip sa free throw line para ibigay sa bagong coach na si Billy Donovan ang 3-0 record.
Naipanalo ng Thunder ang kanilang unang tatlong laro sa unang pagkakataon matapos noong 2011-12 season.
Sa kanilang double-overtime win laban sa Orlando noong Biyernes ay nagtumpok sina Durant at Russell Westbrook ng pinagsamang 91 points.
Kontra sa Nuggets ay pitong players ang umiskor ng double figures.
Humakot si Serge Ibaka ng 18 points, 7 rebounds at 5 blocks, habang kumolekta si Westbrook ng 15 points, 9 rebounds at 8 assists.
Umiskor naman sina Danilo Gallinari at Will Barton ng tig-15 points kasunod ang 13 ni Jameer Nelson para sa Denver.
Mula sa 58-50 abante sa halftime ay kinontrol ng Thunder ang third quarter para tuluyan nang talunin ang Nuggets.
Ang breakaway layup ni Westbrook ang nagbigay sa Thunder ng 68-52 abante patungo sa 95-70 pagsagasa sa Nuggets sa fourth quarter.
Sa iba pang laro, pinatumba ng Atlanta Hawks ang Charlotte Bobcats, 94-92; tinalo ng San Antonio Spurs ang Boston Celtics, 95-87; binigo ng Miami Heat ang Houston Rockets, 109-89; dinaig ng Toronto Raptors ang Milwaukee Bucks, 106-87; pinabagsak ng Chicago Bulls ang Orlando Magic, 92-87 at sinapawan ng Dallas Mavericks ang Los Angeles Lakers, 103-93.