MANILA, Philippines – Nakauna ang Team Visayas sa karera para sa perpetual trophy nang itinanghal bilang overall champion sa 2015 MILO Little Olympics National Finals kamakailan sa Laguna Sports Complex, Sta. Cruz, Laguna.
Binuo ng mga manlalaro mula Bohol, Dumaguete, Aklan, Capiz, Rojas, Guimaras at Antique, ang Visayas ay nakalikom ng nangungunang 577 overall puntos. Ang NCR-South Luzon ang pumangalawa sa 574.5 puntos habang ang Mindanao at North-Central Luzon ang nasa ikatlo at apat na puwesto sa 422 at 316.5 puntos.
Ang Visayas ay mayroong nangunguna ring 306.5 puntos sa secondary division matapos makitaan ng galing sa football, volleyball, taekwondo, badminton at chess. Pumangalawa lamang ang NCR-South Luzon sa 295.5 puntos habang ang Mindanao ay may 196.5 at North-Central Luzon ay may 149.5 puntos.
Nakabawi naman kahit paano ang NCR-South Luzon sa elementary division nang manguna sa mga katunggali sa 279.5 puntos habang ang Visayas ang pumangalawa sa 270.5 puntos. Ang Mindanao ang nasa ikatlo sa 225.5 puntos bago pumang-apat ang North Central Luzon sa 167 puntos.