MANILA, Philippines – Dalawang batang tankers ang umani ng atensyon nang kunin nila ang lahat ng ginto sa pitong events na nilahukan sa 2015 Batang Pinoy Mindanao Regional Qualifying Leg swimming competition na nagtapos kahapon sa Koronadal City, South Cotabato.
Ang mga 12-anyos na sina John Paul Elises ng Davao City at Aubrey Sheian Bermejo ng Iligan City ang mga bukod-tanging swimmers na winalis ang lahat ng pitong events na ginawa sa South Cotabato Sports Complex.
Isang grade six mag-aaral ng Ateneo de Davao, si Elises ay nanguna sa boys’ 12-under 100m free (1:03.81), 200m free (2:26.01), 50m fly (32.54), 200m medley relay (2:09.64), 200m free (1:55.55) m 100m butterfly (1:12.53) at 200m individual medley (2:43.11) habang si Bermejo ay kampeon sa girls 12-under 400m free (5:04.65), 100m free (1:05.98), 200m free (2:26.84), 50m butterfly (32.48),100m butterly (1:14.87), 200m medley relay (2:20.48) at 200m medley free (2:04.50).
Dahil sa kanilang mahusay na paglalangoy, ang Iligan at Davao ang siyang lumabas bilang number one at two sa paramihan ng medalyang napanalunan sa kompetisyong inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pakikipagtulungan sa Philippine Olympic Committee (POC).
Matapos ang 64 events, ang Iligan City tankers ay lumangoy sa 12 ginto, 4 pilak at 9 bronze medals habang ang Davao ay sumisid ng 9 gold, 11 silver, 5 bonze medals.
Umabot sa 441 ang swimmers na sumali sa edisyong ito at ito na ang pinakamaraming kalahok sapul nang sinimulan ang Mindanao qualifying sa Batang Pinoy na bukas para sa mga manlalarong edad 15-anyos pababa.
“Magandang pangyayari ito dahil nawawalan na tayo ng mga swimmers mula sa Mindanao. Dahil mga bata itong mga kasali kaya’t positive ito na bumabalik na uli ang interes nila sa swimming,” wika ni swimming tournament director Richard Luna.