Aces itataya ang katatagan vs Elite
Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
4:15 p.m. Alaska
vs Blackwater
7 p.m. Globalport vs Star
MANILA, Philippines – Lubhang pinahirapan ng Blackwater ang NLEX bago naisuko ang 86-90 kabiguan sa kanilang unang laro sa 2015 PBA Philippine Cup noong Oktubre 23.
Kaya naman gusto ni coach Alex Compton na seryosohin ng kanyang Alaska Aces ang Elite ni mentor Leo Isaac.
“Blackwater has definitely improved from last year and it was visible in their last game,” sabi ni Compton. “It will be important for us to sustain 48 minutes of high intensity defense if we want to win this game.”
Puntirya ang kanilang ikalawang sunod na panalo at ang pagsosyo sa liderato, lalabanan ng Alaska ang Blackwater ngayong alas-4:15 ng hapon kasunod ang bakbakan ng Star at Globalport sa alas-7 ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nanggaling ang Aces sa 114-98 panalo laban sa Talk ‘N Text Tropang Texters at gustong isunod ang Elite.
Babanderahan nina Calvin Abueva, Sonny Thoss at Dondon Hontiveros ang Alaska katulong sina Vic Manuel, Cyrus Baguio at JVee Casio katapat sina Mike Cortez, Reil Cervantes, Carlo Lastimosa at Bam Bam Gamalinda ng Elite.
Sa ikalawang laro, target ng Hotshots ang kanilang pangalawang dikit na panalo sa pagsagupa sa Batang Pier.
Umiskor ang Star ng 86-78 panalo kontra sa Barangay Ginebra noong Oktubre 25 matapos makatikim ng 78-96 pagkatalo sa Rain or Shine sa debut game ni rookie mentor Jason Webb.
Sina two-time PBA Most Valuable Player James Yap, Mark Barroca, PJ Simon, Marc Pingris at Alex Mallari ang muling sasandalan ng Hotshots laban kina Terrence Romeo, Stanley Pringle, Jay Washington, Joseph Yeo at Rico Maierhofer ng Batang Pier.
- Latest