Hiyawan ang mga tao sa Araneta Coliseum nung Linggo nang umapak sa court si Manny Pacquiao.
Mas malakas ang hiyawan nang maka-shoot si Pacman.
Pati ang aking katoto sa Pacquiao coverage na si Gerry Ramos ay napaisip bakit ganun kainit ang pagtanggap ng mga PBA fans kay Pacquiao.
Hindi naman ito first time.
May kinalaman kaya ito sa darating na eleksyon?
Hindi rin niya masagot.
Pero medyo nagulat nga raw ang kapwa ko sports- writer kung bakit mukhang iba ang reaction ng tao nang makita si Pacquiao.
Baka nga senyales ito na approve sa kanila ang pagtakbo nito sa May 2016 kung saan inaasinta niya ang Senado.
Mataas ang rating ni Pacquiao sa mga survey at puwede pa ito mag-improve sa mga darating na araw.
Maraming advantage si Pacquiao sa ibang kandidato.
Unang-una, lumalabas siya sa radyo, TV at mga lumang komiks kahit na hindi niya ito hingin. At mas kilala siya kahit sa ibang bansa.
Marami-rami rin ang Pinoy na boboto mula sa ibang bansa gaya ng America at Middle East o kaya ay sa Hong Kong, Japan at maging sa Europa.
Panay ang alis ni Pacquiao ng bansa. Pasyal dito, pasyal doon.
Kelan lang ay nasa Japan at New York siya at sa Doha, Qatar. Sa susunod na linggo ay tutulak siya patungong Dubai kung saan nagkalat ang mga Noypi.
May plano rin siyang lumipad papuntang Greece, Israel at Switzerland. Dudumugin na naman siya.
Minsan pa ay pumunta siya sa Indonesia para yakapin si Mary Jane Veloso na muntik nang bitayin. Dramatic ang eksena.
Hindi ko sinasabing parte ito ng kampanya.
Pero pogi points pa rin.