MANILA, Philippines - Nagsalpak si Kevin Ferrer ng career-high 29 puntos para pangunahan ang UST Tigers sa 83-76 tagumpay sa UP Maroons sa 78th UAAP men’s basketball kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Umakto si Ferrer bilang pamatay-sunod sa bawat tangkang paghabol ng Maroons para sungkitin ang ikasiyam na panalo sa 11 laro at samahan ang FEU Tamaraws sa Final Four.
May season-high na 14 rebounds pa si Ferrer habang sina Louie Vigil, Ed Daquioag at Karim Abdul ay naghatid pa ng 16,15 at 10 puntos upang makabawi sa 74-80 pagkatalo sa Ateneo Eagles sa huling laro.
Naging pisikal ang laro sa 49 pinagsamang fouls na itinawag at nakatulong ito sa UST dahil mayroon silang 39 free throws at 24 ang kanilang naipasok laban sa 27 ng UP at 18 ang naging puntos dito.
Nakitaan ng ibang klaseng shooting sa first period si Kiefer Ravena para dagitin ng Ateneo ang playoff para sa Final Four sa pamamagitan ng 68-59 panalo sa nagdedepensang kampeon National University Bulldogs sa unang laro.
Inangkin ni Ravena ang lahat ng 21 puntos, kasama ang anim na triples, para bigyan ng Eagles ng 21-8 kalamangan.
Hindi na nagpabaya pa ang Ateneo para sa ikapitong panalo sa 11 laro na sapat na para maging palaban sa semis.